|
Kasalukuyan
Napakinggan nila'y ganitong saysay:
"Nang aking[1]matatap na pupugutan
ang abang sinta[2] kong nasa bilangguan,
nagdapa sa yapak ng haring[3] sukaban.".
"Inihinging-tawad ng luha at daing
ang kaniyang anak na mutya ko't giliw;
ang sagot ay kundi kusa kong tanggapin
ang pagsinta niya'y 'di patatawarin."
"Ano'ng gagawin ko sa ganitong bagay?
Ang sinta ko kaya'y hayaang mamatay?
Napahinuhod na ako't nang mabuhay
ang prinsipeng irog na kahambal-hambal!"
"Ang 'di nabalinong matibay kong dibdib
ng suyo ng hari, bala at paghibik,
naglambot na kusa't kumain sa sakit
at nang mailigtas ang buhay ng ibig.
"Sa tuwa ng hari, pinawalan agad
dahil ng aking luhang pumapatak;
dpuwa't tadhanang umalis sa s'yudad[4][5]
at sa ibang lupa'y kusang mawakawak."
"Pumanaw sa Persya ang irog ko't buhay
na hindi man kami nagkasalitaan;
tingni kung may luha akong ibubukal
na maitutumbas sa dusa kong taglay!"
"Nang iginaganya sa loob ng reyno
yaong pagkakasal na kamatayan ko,
aking naakalang magdamit-gerero
at kusang magtanan sa real palasyo."
"Isang hatinggabing kadilimang lubha,
lihim na naghugos ako sa bintana;
walang kinasama kung hindi ang nasa —
matunton ang sinta kung nasaang lupa."
"May ilan nang taon akong naglagalag
na pinapalasyo ang bundok at gubat;
dumating nga rito't kita[6]'y nailigtas
sa masamang nasa niyong taong sukab[7]
Salita'y nahinto sa biglang pagdating
ng Duke Florante't Prinsipe Aladin;
na pagkakilala sa boses ng giliw,
ang gawi ng puso'y 'di mapigil-pigil.
Aling dila kaya ang makasasayod
ng tuwang kinamtan ng magkasing-irog?
Sa hiya ng sakit sa lupa'y lumubog,
dala ang kanyang napulpol na tunod.
Saang kalangitan napaakyat kaya
ang ating Florante sa tinamong tuwa
ngayong tumititig sa ligayang mukha
ng kanyang Laurang ninanasa-nasa?
|
Orihinal
Napaquingán nila,i, ang ganitóng saysay
"nang aquíng matatap na papupugutan
ang abáng sintá cong nasa bilanguan
nag dapa sa yapac nang Haring sucaban.
Inihin͠gíng tauad nang luha at daing
ang caniyang anác na mutya co,t, guiliu
ang sagót ay cundi cusa cong tangapin
ang pagsintá niya,i, di patatauarin.
¿Anóng gagauín co sa ganitóng bagay?
¡ang sintá co caya,i, baya-an mamatáy!
napahinuhod na acó,t, nang mabúhay
ang Principeng írog na cahambal-hambál.
Ang dî nabalinong matibay cong dibdib
nang súyo nang hari, bála at pag hibic,
naglambót na cúsa,t, humain sa sáquit
at nang ma-iligtás ang búhay nang ibig.
Sa toua nang Hari, pinaualáng agád
ang dahil nang aquing lúhang pumapatác,
dapoua,t, tadhanang umalís sa Ciudad,
at sa ibáng lúpa,i, cúsang mauac-auac.
Pumanao sa Percia ang írog co,t, búhay
na hindî mang camí nagcasalita-an
¡tingní cong may lúha acóng ibubucál
na maitutumbás sa dusa cong tagláy!
Nang iguinagayác sa loob nang Reino
yaóng pagcacasál na camatayan co,
aquing na-acalang magdamit guerrero
cúsang magta-anang sa Real Palacio.
Isáng hatingabíng cadilima,i, lubhâ
lihim na naghunos acó sa bintana
ualáng quinasama cun hindî ang nása
matuntón ang sintá cong nasaang lúpa.
May ilán n͠g taón acóng nag lagalág
na pina-Palacio ang bundóc at gúbat
dumating n͠ga rito,t, quita,i, na iligtas
sa masamang nasa niyaong taong sucáb....
Salita,i, nahinto na big-láng pagdatíng
n͠g duque Florante,t, principe Aladín,
na pagca-quilala sa voces n͠g guiliu
ang gaui n͠g puso,i, dî napiguil-piguil.
¡Aling dila caya ang macasasayod
n͠g touang quinamtán ng magcasing irog
sa hiya n͠g sáquit sa lupa,i, lumubóg,
dalá ang caniang napulpól na túnod.
¡Saang calan͠gitan na pa-aquiat cayâ
ang ating Florante sa tinamóng touá
n͠gayóng tumititig sa ligayang muchá
n͠g caniyang Laurang ninanása nasa.
|