Florante at Laura/Kabanata 14

Mula sa Wikibooks
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Uliran
Paliwanag
Laki sa Layaw
(Paliwanag)

Hiram na Bait
Paliwanag

Awit

Kasalukuyan

"Aking[1] tinitipon ang ikinakalat
na masayang bango ng mga bulaklak,
inaaglahi ko ang laruang palad,
mahinhing amiha't ibong lumilipad."

"Kung ako'y mayroong matanaw na hayop
sa tinitingalang malapit na bundok,
biglang ibibinit ang pana sa busog,
sa minsang tudla ko'y pilit matutuhog."

"Tanang samang lingkod ay nag-aagawan,
unang makarampot ng aking napatay;
ang tinik sa dawag ay 'di dinaramdam,
palibhasa'y tuwa ang nakaaakay,"

"Sukat maligaya sinumang manood
sa sinuling-suling ng sama kong lingkod;
at kung masunduan ang bangkay ng hayop,
ingay ng hiyawan sa loob ng tumok."

"Ang laruang busog ay kung pagsawaan,
uupo sa tabi ng matuling bukal;
at mananalamin sa linaw ng kristal,
sasagap ng lamig na iniaalay."

"Dito'y mawiwili sa mahinhing tinig
ng nangagsasayang Nayades sa batis;
taginting ng lira katono ng awit
mabisang pamawi sa lumbay ng dibdib."

"Sa tamis ng tinig na kahalak-halak
ng nag-aawitang masasayang Ninfas,
naaanyayahan sampung lumilipad —
sari-saring ibong agawan ng dilag."

"Kaya nga't sa sanga ng kahoy na duklay,
sa mahal na batis na iginagalang
ng bulag na hentil ay nagluluksuhan,
ibo'y nakikinig ng pag-aawitan."

"Aanhin kong saysayin ang tinamong tuwa
ng kabataan ko'y malawig na lubha;
pag-ibig ni ama'y siyang naging mula,
lisanin ko yaong gubat na payapa."

"Pag-ibig anaki'y aking nakilala,
'di dapat palakihin ang bata sa saya;
at sa katuwaa'y kapag namihasa,
kung lumaki'y walang hihinting ginhawa."

"Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis,
namamaya'y sukat tibayan ang dibdib;
lumaki sa tuwa'y walang pagtitiis ...
anong ilalaban sa dahas ng sakit?"

"Ang taong magawi sa ligaya't aliw,
mahina ang puso't lubhang maramdamin;
inaakala pa lamang ang hilahil
na daratni'y 'di na matutuhang bathin."

"Para ng halamang lumaki sa tubig,
daho'y malalanta munting 'di madilig;
ikinaluluoy ang sandaling init;
gayundin ang pusong sa tuwa'y maniig."

"Munting kahirapa'y mamalakhing dala,
dibdib palibhasa'y 'di gawing magbata,
ay bago sa mundo'y walang kisapmata,
ang tao'y mayroong sukat ipagdusa."

"Ang laki sa layaw karaniwa'y hubad
sa bait at muni't sa hatol ay salat;
masaklap na bunga ng maling paglingap,
habag ng magulang sa irog na anak."

"Sa taguring bunso't likong pagmamahal,
ang isinasama ng bata'y nunukal[2];
ang iba'y marahil sa kapabayaan
ng dapat magturong tamad na magulang."

"Ang lahat ng ito'y kay amang talastas,
kaya nga ang luha ni ina'y hinamak;
at ipinadala ako sa Atenas
bulag na isip ko'y nang doon mamulat."

"Pag-aaral sa akin ay ipinatungkol
sa isang mabait, maestrong marunong;
lahi ni Pitako — ngala'y si Antenor
lumbay ko'y sabihin nang dumating doon."

Orihinal

Aquing tinitipon ang iquinacalat
ng masayáng ban͠gó n͠g m͠ga bulaclác,
ina-aglahi co ang larouang pulad
mahinhíng amiha,t, ibong lumilipad.

Cong acó,i, mayroong matanao na háyop
sa tinitin͠galáng malapit na bundóc,
bigláng ibibinit ang panâ sa búsog,
sa minsang tud-lâ co,i, pilit matutuhog.

Tanáng sámang lincód ay nag-aágauan
unang macarampót nang aquing napatáy
ang tiníc sa dauag ay dî dinaramdám,
palibhasa,i, toua ang naca-aacay.

Súcat maligaya sino mang manoód
sa sinuling-suling n͠g sáma cong lingcód,
at cong masundúan ang bangcay n͠g háyop
ingay n͠g hiyauan sa loob n͠g tumóc.

Ang larouáng búsog ay cong pag-sauaan,
u-upo sa tabí n͠g matuling bucál,
at mananalamín sa linao n͠g cristal,
sasagap n͠g lamig na ini-áalay.

Dito,i, mauiuili sa mahinhing tinig
n͠g nan͠gag-sasayáng Nayadas sa bátis,
taguintíng n͠g Lírang catuno n͠g auit
mabisang pamaui sa lumbay n͠g dibdib.

Sa tamis n͠g tinig na cahalac-halác
n͠g nag-aauitang masasayáng Ninfas,
na-aanyayahan sampóng lumilipád
sari-saring ibong agauán n͠g dilág.

Cayâ n͠ga,t, sa san͠ga n͠g cahoy na ducláy
sa mahál na bátis na iguinagalang
ang bulág na gentil, ay nag lulucsuhan
ibo,i, naquiquinig n͠g pag-aauitan.

Anhín cong saysain ang tinamóng touá
ng cabataan co,t, malauig na lubhâ
pag-ibig ni amá,i, siyang naguing mulà
lisanin co yaóng gúbat na payapa.

Pag ibig anaqui,t, aquing naquilala
dî dapat palac-hín ang bata sa sayá
at sa catoua-a,i, capag-namihasa
cong lumaquí,i, ualáng hihintíng guinhaua.

Sa pagca,t, ang mundo,i, bayan n͠g hinagpis
namamaya,i, súcat tibayan ang dibdib,
lumaquí sa toua,i, ualáng pagtiti-is
¿anóng ilalaban sa dahás n͠g sáquit?

Ang táuong mágaui sa ligaya,t, aliu
mahinà ang púso,t, lubháng maramdamin,
inaacala pa lamang ang hilahil,
na daratná,i, dinâ matutuhang bat-hín.

Para n͠g halamang lumaguí sa tubig,
daho,i, malalantá munting dî madilig,
iquinalolo-óy ang sandaling init,
gayón din ang púsong sa toua,i, mani-ig.

Munting cahirapa,i, mamalac-híng dalá,
dibdib palibhasa,i, di gauing magbatá,
ay bago,i, sa mundo,i, ualang quisáp matá
ang tauo,i, mayroong súcat ipagdusa.

Ang laquí sa layao caraniua,i, hubád
sa bait at muni,t, sa hatol ay salát,
masacláp na bún͠ga ng malíng paglin͠gap,
habág n͠g magulang sa irog na anác.

Sa taguríng bunsót, licóng pag mamahál
ang isinasama n͠g báta,i, nunucál
ang iba,i, marahil sa capabayaan
nang dapat magturong tamád na magulang.

Ang lahát nang itó,i, cay amáng talastás,
cayâ n͠ga ang lúha ni ina,i, hinamac,
at ipinadalá acó sa Atenas,
bulág na ísip co,i, n͠g doon mamulat.

Pag-aral sa aquin qy ipinatungcól
sa isang mabait, maestrong marunong
lahi ni Pitaco, n͠gala,i, si Antenor,
lumbay co,i, sabihin nang dumating doon.

Talababaan

  1. Si Florante ang nagsasalita.
  2. Ang aspeto ng pandiwang ito ay makaluma, at hindi na ginagamit sa kasalukuyang Tagalog. Sa kasalukuyang Tagalog, ito ay "bumubukal". Parehong salita ay mula sa pandiwang bukal.