Florante at Laura/Kabanata 12

Mula sa Wikibooks
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Habag sa Moro
Paliwanag
Paglingap ng Persyano
(Paliwanag)

Uliran
Paliwanag

Awit

Kasalukuyan

Anupa't kapuwa hindi makakibo
'di nangakalaban na damdam ng puso;
parang walang malay hanggang sa magtago't
humilig si Pebo[1] sa hihigang ginto.

May awang gerero ay sa maramdaman;
malamlam na sinag sa gubat ay nanaw[2],
tinunton ang landas na pinagdaanan,
dinala ang kalong sa pinanggalingan.

Doon sa naunang hinintuang dako
nang masok[3] sa gubat ang bayaning Moro,
sa isang malapad, malinis na bato,
kusang pinagyaman ang lugaming pangko.

Kumuha ng munting baong makakain[4],
ang nagdaralita'y inamong tumikim,
kait umaayaw ay nahikayat din
ng sabing malambot na pawang pang-aliw.

Naluwag-luwagan ang panghihingapos,
sapagkat naawas sa pagkadayukdok,
hindi kinukusa'y tantong nakatulog,
sa sinapupunan ng gererong bantog.

Ito'y 'di umidlip sa buong magdamag,
sa pag-aalaga'y nagbata ng puyat;
ipinanganganib ay baka makagat
ng ganid na madlang naggala sa gubat.

Tuwing magigising sa magaang tulog,
itong lipos-hirap ay naghihimutok,
pawang tumitirik na anaki'y tunod
sa dibdib ng Morong may habag at lunos.

Nang magmamadaling-araw ay nahimbing,
munting napayapa sa dalang hilahil;
hanggang sa Aurorang[5] itaboy ang dilim,
walang binitiwang himutok at daing.

Ito ang dahilang ipinagkasundo,
limang karamdamang parang hinahalo;
ikinatwasay ng may dusang puso,
lumakas na muli ang katawang hapo.

Kaya't nang isabog sa sansinukuban
ang doradong buhok ng masayang araw,[6]
nagbangong hinaho't pinasalamatan
sa Langit[7] ang bagong lakas ng katawan.

Sabihin ang tuwa ng gererong hayag,
ang abang kinalong ay biglang niyakap;
kung nang una'y nunukal[8] ang luha sa habag,
ngayo'y sa galak na ang inilagaslas.

Kapos ang dila kong magsaysay ng laki
ng pasasalamat nitong kinandili;
kundangan ang dusa'y sa nawalang kasi
ay napawi disin sa tuwang umali.

Sapagka't ang dusang mula sa pag-ibig
kung kahit mangyaring lumayo sa dibdib,
kisapmata lamang ay agad babalik
at magdaragdag pa sa una ng bangis.

Kaya hindi pa man halos dumarapo
ang tuwa sa lamad ng may dusang puso
itinakwil na ng dalitang lalo
at ang tunod niya'y siyan itinimo.

Niyapos na muli ang dibdib ng dusa,
hirap yatang bathin ang sakit sa sinta!
Dangan inaaliw ng Moro sa Persya,
natuluyang nanaw ang tangang hininga.

"Iyong natatanto ang aking paglingap,"
anitong Persyano sa nababagabag;
"mula ng hirap mo'y ibig kong matatap
at nang kung may daa'y malagyan ng lunas."

Orihinal

Ano pa,t, capoua hindi macaquibô
dî nanga-calaban sa damdam ng púsò
parang ualáng malay, hangang sa magtágo,t,
humilig si Febo sa hihigáng guintô.

May áuang guerrero ay sa maramdaman
malam-lám na sinag sa gúbat ay nanao,
tinuntón ang landás na pinagda-anan
dinalá ang calong sa pinangalingan.

Doon sa naunang hinintúang daco
nang masoc sa gúbat ang bayaning moro
sa isang malapad, malinis na bató
cúsang pinag-yaman ang lugaming pangcó.

Cumuha ng munting báong macacain,
ang angdaralitâ,i, inamong tumiquím
cahit uma-ayao ay nahicayat din
nang sabing malambót na pauang pag-aliu.

Nalouag-louagán ang pang-hihin͠gapus
sapagca,t, na-auas sa pagcadayucdóc,
hindî quinucusa,i, tantóng nacatulog,
sa sinapupunan nang guerrerong bantóg.

Itó,i, dî umidlíp sa boong magdamág
sa pag-aalaga,i, nagbatá n͠g puyat
ipinan͠gan͠ganib, ay bacá macagát
nang ganid na madláng nag-gala sa gúbat.

Touing maguiguising sa magaang túlog
itóng lipós hirap, ay naghihimutóc,
pauang tumitiric na anaqui túnod
sa dibdib nang morong may habág at lúnos.

Nang magmamadaling arao, ay nahimbíng
munting napayapa sa dalang hilahil
hangáng sa Aurorang itabóy ang dilim
ualáng binitiuang himutóc at daing.

Itó ang dahiláng ipinagcasundò
limáng caramdamang parang hinahalò
iquinatiuasáy nang may dúsang púsò
lumacás na mulî ang catao-ang hapò.

Caya,t, nang isabog sa sangsinucuban
ang doradong buhóc nang masayang arao
nag-ban͠gong hinaho,t, pinasalamatan
sa Lan͠git ang bagong lacás nang catao-an.

Sabihin ang touâ nang guerrerong hayág,
ang abáng quinalong ay bigláng niyacap,
cong nang una,i, nucál ang lúha sa habág
n͠gayo,i, sa galac na ang ilinagaslás.

Capús ang dilà cong magsaysay nang laquí
nang pasasalamat nitóng quinandili,
cundan͠gan ang dusa,i, sa naualáng casi
ay napauî disin sa touang umalí.

Sapagca,t, ang dusang mula sa pag-ibig
cung cahit mangyaring lumayó sa dibdib,
quisáp matá lamang ay agád babalic
at magdadagdág pa sa una nang ban͠gís.

Cayâ hindî pa man halos dumadápò
ang toua sa lámad nang may dúsang pusó
ay itinac-uil na nang dálitang lálò
at ang túnod niya,i, siyang itinimó.

Niyapús na mulî ang dibdib nang dúsa
¡hirap ayang bat-hín nang sáquit sa sintá!
dan͠gan ina-aliu nang moro sa Persia
natuluyang nánao ang tan͠gang hinin͠gá.

Iyong natatantô ang aquing paglin͠gap,
(anitong Persiano sa nababagabag)
mula nang hirap mo,i, ibig cong matatap
at nang cong may daa,i, malagyan nang lúnas.

Talababaan

  1. Nagpapahiwatig ng paglubog ng araw. Ito ay dahil "Pebo" ang ibang pangalan para kay Apolo, diyos ng araw sa mitolohiyang Griyego at Romano
  2. Ito ang makatang uri ng pumanaw.
  3. Ang aspeto ng pandiwang ito ay makaluma, at hindi na ginagamit sa kasalukuyang Tagalog. Sa kasalukuyang Tagalog, ito ay "pumasok". Parehong salita ay mula sa pandiwang pasok.
  4. si Aladin
  5. Si Aurora ang diyosa ng madaling-araw sa mitolohiyang Romano. Karaniwang ipinantutukoy ang kanyang pangalan sa panitikan sa pagmamadaling-araw.
  6. Itinutukoy nito ang pagsikat ng araw.
  7. Itinutukoy dito ang Diyos.
  8. Ang aspeto ng pandiwang ito ay makaluma, at hindi na ginagamit sa kasalukuyang Tagalog. Sa kasalukuyang Tagalog, ito ay "bumubukal". Parehong salita ay mula sa pandiwang bukal.